Isang paglalantad ang panitikan ng mga katotohanang panlipunan at ng mga kathang-isip na guni-guni. Hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama. Noong 2000, binigyang katangian ito ni Villafuerte bilang isang buhay ngunit payak na salitang dumadaloy sa katawan ng tao. May buhay ang panitikan sapagkat may sarili itong pintig at dugong mainit na dumadaloy sa mga arteryo at bena ng bawat nilalang at ng isang buong lipunan. Sa kasong ito, sa mga Pilipino at sa kanilang lipunang ginagalawan. Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang tao o pangkat ng mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao. Sa kasalukuyan, madali at magaang ang pamamaraan ng pagkalat at pagpapamudmod ng panitikan sa Pilipinas. Dahil ito sa makabagong mga kaunlaran sa larangan ng teknolohiya. Bukod sa mga nasusulat na salita sa mga aklat, radyo, at telebisyon, kumakalat din ang panitikan sa pamamagitan ng mga kagamitang elektronika, katulad ng grabador ng tinig at tunog (tape recorder), diskong kompakto (compact disk), plaka, mga tape ng VHS, at mga kompyuter. Dahil sa internet, naging maginhawa at madali ang pagkuha ng impormasyong pampanitikan. Isa nang instrumento ito para sa mga mambabasang Pilipinong may pagpapahalaga at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan, kasaysayan, at kalinangan o kultura.
Paraan ng pagbasa at pagpapaliwanag[baguhin
Mayroong dalawang pamamaraan ng pagbasa at papaliwanang ng mga tekstong pampanitikan: ang makasaysayan o historikal na paraan at ang pormalistikong kaparaanan.
Paraang historikal
Isang tradisyonal o nakaugaliang paraan sa pagbasa at pagpapaliwanag ng mga tekstong pampanitikan. Isa itong metodong nagpapakita ng mga bagay, karanasan, at puwersang pangkasaysayan na nagbigay ng impluwensiya tungo sa paggawa, pagsulat, paghubog, at pag-unlad ng panitikan sa Pilipinas. Sa ganitong paraan, nagkaroon ng apat na kahatian ang kapanahunang pangkasaysayan ng Pilipinas: ang Panahon ng Pananakop Bago Dumating ang mga Kastila o Pre-Spanish Colonial Period (1400-1600), ang Panahon ng mga Kastila o Spanish Period (1600-1898), Panahon ng mga Amerikano o American Occupation (1898-1946), at ang Pangkasalukuyang Panahon Pagkaraan ng Kolonyalismo o Contemporary Post-colonial Period.Kaugnay ng panitikang Pilipino, sina Jose Villa Panganiban at Teofilo del Castillo ang unang gumamit ng ganitong paraan upang makamit ang interpretasyon ng pangliteraturang mga teksto.
Paraang pormalistiko
Ang paraang pormalistiko ay isang pormal at empirikal na pamamaraan ng pagbasa at pagpapaliwanag – maging pagsulat – ng tekstong pampanitikan na Dumating sa Pilipinas ang ganitong paraan sa pamamagitan ng Amerikanong sistemang pang-edukasyon. Sa ganitong paraan, mas detalyado at empirikal (batay sa karanasan, obserbasyon, pagsubok o eksperimento, ayon sa praktikal na karanasan, sa halip na teoriya ang pamamaraan ng pagbasa ng pampanitikang teksto na may layuning tuklasin ang kung ano talaga ang makapampanitikan o literaryo sa teksto. Nag-iiba-iba ang mga kaparaanan mula sa diin at patutunguhan o direksiyon ng mga gumagamit nito. Kabilang sa pinagtutuunan ng pansin dito ang pagkakaroon ng pagkakaisa o unidad ng katawan ng teksto, o sa madalaing sabi: nakatuon mismo sa pinakateksto.